MANILA, Philippines — Hinatulang makulong ng mula anim hanggang 10 taon ng Sandiganbayan si dating Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) chairman Efraim Genuino kaugnay ng kasong graft laban sa dating opisyal.
Ayon sa 3rd Division ng Sandiganbayan, si Genuino ay napatunayang guilty sa paggamit ng P37 milyong pondo noong 2012 London Olympics.
Bukod kay Genuino, dalawa pang dating opisyal na sina PAGCOR president at chief operating officer Rafael Francisco at Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez ang napatunayang nagkasala.
Nag-ugat ang kaso matapos payagan ni Genuino na gamitin ang P37 milyon na bahagi ng P124.507-M na nagmula sa pondo ng PAGCOR para bayaran ang Trace Aquatic Center na ginamit ng mga swimmer ng 2012 Olympics para sa kanilang development training.
Sa depensa naman ni Genuino, napatunayan umano ng Commission on Audit (COA) na wala siyang control sa naturang pondo dahil ang Philippine Sports Commission ang nakipag-transaksyon.
Hindi ito tinanggap ng Sandiganbayan bagkus kinatigan ng korte ang mga ebidensyang iprinisinta ng Ombudsman.
Bukod sa pagkakulong ng 6-10 taon, hindi na rin papayagan sina Genuino, Francisco at Ramirez na kumandidato at humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.