MANILA, Philippines — Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan nang ipatupad ang public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno pero dapat ding magkaroon ng mas maraming talakayan sa mga stakeholder nito, partikular sa grupo ng mga jeepney drivers.
“Ngayon, doon sa isyu sa modernization na sinasabi, sa aking palagay ay kailangan din gawin talaga ‘yan. Pero sa pag-aaral ko, parang hindi maganda ang naging implementasyon nung modernization,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na tama lamang na gawing ligtas ang mga pampublikong sasakyan.
“Tama naman ‘yun, kailangan safe ‘yung mga jeepney, ‘yung mga tricycle, ‘yung mga bus, kailangan safe ‘yan,” ani Marcos.
Ipinunto rin ni Marcos na dapat tingnang mabuti ang timetable at kung kailan puwede ng ipatupad ang electric vehicles.
Sa tingin ng Pangulo ay hindi pa puwede na 100% na maipatupad ang programa dahil 30% pa lamang ang renewable power at hindi pa kakayanin ng mga imprastruktura.
Tiniyak din ni Marcos sa transport groups na ang PUV modernization program ng gobyerno ay hindi magiging karagdagang pabigat sa mga operators at drivers.