MANILA, Philippines — Tatalakayin na ngayong araw ng Senado ang resolusyon tungkol sa pagpapaliban sa nakatakdang phaseout ng traditional jeepneys sa Hunyo 30.
Itinakda ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe ang pagdinig dakong ala-1:30 ng hapon.
Bukod sa jeepney phaseout at PUV modernization program ay layon din ng pagdinig na pigilan ang nakaambang tigil pasada ng mga transport groups sa Marso 6-12.
Kabilang sa inimbitahan sa pagdinig ang mga opisyal ng DOTr, LTFRB, DILG, DTI, DBM, Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Ipapatawag din ang mga transport at commuter groups kabilang ang Manibela, ALTODAP, PISTON, Pasang Masda, FEJODAP, Laban TNVS, Stop and Go Transport Coalition, Lawyers for Commuters Safety and Protection at Move as One gayundin ang iba pang stakeholders tulad ng Get Vehicles (e-jeep), EVT USA at MPT Mobility.
Humingi ng permiso si Poe sa mga senador na agad dinggin sa Huwebes ang resolusyon upang mapigilan ang nakaambang isang linggong tigil-pasada
Kinatigan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang hirit ni Poe na bagamat mayroong 3-day rule na sinusunod ang Kongreso bago isalang sa pagdinig ang isang panukala o resolusyon, maituturing namang ‘national concern’ ang problema na nangangailangan ng agarang atensyon ng mga mambabatas.