Estudyante ng Adamson, natagpuang patay
Pinaniniwalaang biktima ng hazing
Cavite, Philippines — Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa bangkay ng isang 21-anyos na estudyante na nahukay sa isang bakanteng lote sa likod ng isang subdibisyon sa Imus City, Cavite kahapon ng umaga.
Bloated at halos durog ang mukha ng biktima na si John Matthew Salilig y Torres, ng Gen. Solano, San Miguel na isang 3rd year Chemical Engineering student mula sa Adamson University.
Habang ang suspek ay kinilalang si Tung Cheng Teng y Benitez, 21, isa ring estudyante ng BF Martinville, Manuyo 2, Las Piñas City at 14 iba pa.
Sa ulat ni PSSgt Jessie Villanueva ng Imus City Police, nakatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y bangkay na inilibing sa likod ng bakanteng lote sa Jade Residences Subdivision, Brgy. Malagasang 1-G, Imus City, Cavite.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng Police Intelligence Unit Cavite Police Provincial Office, Imus City Police at Biñan City Police kung saan nahukay ang sinasabing nakabaon na bangkay dakong alas-11:30 kahapon ng umaga kung saan tumambad sa kanila ang bangkay ng biktima.
Positibo naman kinilala ng kanyang kapatid na si John Martin Salilig ang bangkay ng kanyang kapatid. Higit isang linggo na umanong nawawala ang biktima.
Patuloy ang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso at inaalam kung namatay nga sa hazing ang biktima katulad ng mga kumalat na balita at usapin sa lugar kung saan ito nakatira.
- Latest