MANILA, Philippines — Upang maipagpatuloy pa ang magandang adhikain, ang Civil Service Commission (CSC) ay pumasok sa bagong kasunduan sa Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) para sa scholarship program na Pamanang Lingkod-Bayan Iskolarsyip (PLBi) sa ginanap na seremonya kamakailan sa CSC Central Office sa Quezon City.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Alexei Nograles, ang scholarship ay ipagkakaloob sa mga miyembro ng pamilya ng mga sibilyang public official o empleyado na nasawi sa pagganap sa tungkulin bilang mga serbisyo publiko.
“Immediate family members refer to the spouse, and legitimate and illegitimate children of the married deceased public officer or employee. If the marital status is single, members shall refer to a niece or nephew receiving support from the deceased public officer or employee,” pahayag ni Nograles.
Binigyang diin ng opisyal na dahil sa PLBi Program ng CSC, nabibigyan ng karampatang pagkilala at pagpupugay ang mga kapwa lingkod bayan na nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa serbisyo publiko.
Sa ilalim ng scholarship program ang benepisaryo ay makakatanggap ng isang libreng Bachelor’s Degree scholarship at magiging prayoridad rin ang mga ito sa alinmang PASUC-member state college o Universidad na kanilang napili basta makapasa lamang ang estudyante sa admission test at iba pang rekisitos sa eskuwelahan.
Hanggang dalawang benepisyaryo ang maaring makinabang sa scholarship grant.