Ping Remulla, waging congressman ng Cavite 7th district
MANILA, Philippines — Nagwagi ang anak ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na si Cavite Board Member Crispin “Ping” Remulla bilang bagong kinatawan ng ika-7 distrito ng lalawigan sa ginanap na special elections nitong Sabado.
Sa opisyal na bilang ng Commission on Elections (Comelec), nakakalap si Remulla ng 98,474 boto na katumbas ng 66.67 porsyento ng kabuuang boto sa espesyal na halalan.
Pumangalawa sa kaniya si dating Trece Martires City Mayor Melencio “Jun” De Sagun na may 46,530 boto, habang sina Lito Aguinaldo ay 1,610 boto at Mike Santos, 1,068 boto.
Nagkasa ng espesyal na halalan ang Comelec makaraang bakantihin ni Boying Remulla ang kaniyang puwesto sa Kongreso nang hirangin na kalihim ng Department of Justice.
Nasa 42.11% ang opisyal na voter turn-out sa naturang halalan nang 149,581 mula sa nakarehistrong 355,184 botante ang lumabas at bumoto.
Ayon naman kay Comelec Chairman George Garcia, “generally peaceful” ang ginanap na halalan, na nagkaroon ng minor na mga aberya tulad ng mga technical glitches na agad namang naresolba.
Ang ika-7 distrito ay binubuo ng isang siyudad at tatlong bayan, ang Trece Martires City at mga bayan ng Amadeo, Indang at Tanza.— Maria Cristina Timbang
- Latest