Dahil sa sunud-sunod na ambush
MANILA, Philippines — Bunsod ng sunud-sunod na pag-atake sa mga elected officials, inutos ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang pagsusuri at assessment sa mga posibleng pagbabanta ng mga ito.
“Ang marching order natin hindi lamang sa ating bagong regional director ng NCR (National Capital Region) but sa lahat ng regional directors to start conducting a threat assessment sa mga elected as well as appointed officials doon sa kanilang mga respective areas,” ani Azurin.
Ayon kay Azurin, nais nilang malaman kung sinu-sino sa mga elected at government officials ang nakakatanggap ng mga pagbabanta at kung gaano katindi.
Aniya, bagama’t may mga security na ibinibigay ang pamahalaan kailangan pa ring malaman kung ito ay sapat upang bantayan ang seguridad ng mga opisyal.
“We would know the current state ng kanilang kalagayan whether’ yun bang security na pinoprovide ng PNP ay kulang or sapat,” ani Azurin.
Sa ilalim ng regulasyon ng PNP, binibigyan ng PNP Police Security and Protection Group (PSPG) ng dalawang police escorts ang mga pulitiko at iba pang personalidad na may pagbabanta sa buhay.
Kung walang matinding banta sa buhay ang seguridad ng elected official, ang mga local police ang magbibigay ng seguridad.
Sa loob lamang ng isang linggo, inambush si Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur sa Pasay; Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong noong Pebrero 17 at Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda noong Pebrero 19.
Samantala, pinangunahan ni Azurin ang turn over ng command ceremony ng National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa in Taguig.
Isinalin ni NCRPO chief Major Gen. Jonnel Estomo ang panunungkulan kay Maj. Gen. Edgar Allan Okubo na dating hepe ng Special Action Force (SAF).