Iniyabang na kayang manuhol ng mga huwes, 2 abogado dinisbar ng SC
MANILA, Philippines — Hinatulan ng disbarment ng Supreme Court ang dalawang abogado makaraang mapatunayan na ipinagmamalaki nila sa kaniyang mga kliyente na kaya niyang suhulan ang mga huwes para makakuha ng paborableng desisyon sa kanilang kaso.
Sa desisyon na pinonente ni Associate Justice Japar Dimaampao, unang kinilala ang isa sa dinisbar na si Atty. William delos Santos. Ito ay makaraan na mapatunayan na hinikayat niya ang kaniyang kliyente na si Norma Flores na magbayad ng P160,000 para panuhol sa mga huwes dahil ito lamang umano ang paraan para makakuha ng paborableng desisyon.
“Hence, on account of his previous suspension and his evident violations of the Lawyer’s Oath and the Code of Professional Responsibility in the present case, the Court stressed that he deserved no less than the ultimate penalty of disbarment,” ayon sa desisyon ng SC.
Nabatid na lumapit si Flores kay Delos Santos para umapela sa CA ukol sa kasong kinakaharap ng kaniyang anak. Noong 2015, nanghingi umano si Delos Santos kay Flores ng P160,000 at tiniyak na makararating ito sa kanilang kontak sa CA.
Ngunit nahatulan na mabilanggo ang anak ni Flores at nang komprontahin ang abogado ay sinabing hindi niya alam kung ano ang nangyari. Dito na naghain ng kasong disbarment si Flores laban sa abogado.
Samantala, dinisbar rin ng SC si Atty. Marco Bautista makaraan na umaktong fixer para makakuha ng paborableng resolusyon sa isang criminal case na nakahain sa Makati City Prosecutor’s Office.
Buhat ito sa reklamo ng isang Anthony Lim na kinuha ang serbisyo ni Bautista para hawakan ang kaso ng kaniyang ama. Sinabi ni Lim na nanghingi umano ng pera sa kaniya si Bautista para maimpluwensyahan ang kaso ngunit hindi nito naipaliwanag kung saan napunta ang pera.
“The latest action of the Court is a clear indication that the Judiciary is committed to purging the legal profession of erring members,” ayon sa pahayag ng korte.
- Latest