'Walang nabuhay': 4 na pasahero ng Cessna crash sa Albay natagpuang patay
MANILA, Philippines — Hindi nakaligtas ang ni isa sa mga pasahero ng maliit na eroplanong bumagsak malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon matapos silang matagpuang walang buhay, ayon sa isang local official nitong Huwebes.
Kasama sa apat na pasahero ng naturang Cessna 340 aircraft ang dalawang Australyano nang mawala ito nitong Sabado matapos lumipad mula sa Bicol International Airport patungong Maynila.
"No more search and rescue operation. Our operation is now focused on retrieval because we’re able to locate the passengers. They were lifeless," wika ni Irwin Baldo, alkalde ng Camalig, Albay sa panayam ng TeleRadyo.
"The challenge for us now is how to bring down the remains of the passengers."
Nangyayari ito habang nasa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon, panahon kung kailan ipinagbabawal ang paglipad ng anumang eroplano malapit dito.
Una nang sinabi ng Phivolcs na dapat mag-ingat ang publiko sa sumusunod sa naturang bulkan:
- biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions
- rockfall mula sa tuktok ng bulkan
- pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan
Tinataya ng Civil Aviation Authority of the Philippines na nasa kanlurang gawi ng bulkan ang eroplano, at nasa 3,500 hanggang 4,000 feet above sea level.
Inako na ng Energy Development Corporation ang pagmamay-ari ng Cessna plane at sinabing technical consultants ang mga banyaga para sa naturang renewable energy company. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico
- Latest