26 Chinese vessels, inokupahan ang Ayungin at Sabina Shoals
MANILA, Philippines — Inokupahan ng nasa 26 na barko ng Chinese Coast Guard (CCG) at Chinese militia ang Ayungin at Sabina Shoals na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Miyerkules.
Sa ulat, nagsasagawa ng “routine Maritime Domain Awareness (MDA) flight” ang PCG Cessna Caravan 2081 (multi-role fixed wing aircraft) sa Ayungin at Sabina Shoals nang maobserbahan ang presensya ng naturang mga sasakyang-pandagat.
“This despite diplomatic protests filed by the Department of Foreign Affairs (DFA)”, ayon sa PCG.
Nakatanggap din ng “radio challenge” ang PCG Cessna Caravan 2081, sa English at Chinese, mula sa CCG-5304. Ginantihan ito ng PCG aircraft ng sariling radio challenge na iginigiit na ang bahagi ng Philippine EEZ ang naturang bahagi ng karagatan at airspace at sinabihan ang mga barko ng China na umalis sa lugar.
Nagpatuloy ang palitan ng radio challenges ng PCG Cessna at ng barko ng CCG. Pinagsabihan din ang mga Chinese militia vessels na hindi sila awtorisad na manatili sa shoals habang iniulat rin ito sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lulan ng BRP Sierra Madre na nanatili sa Ayungin Shoal para tiyakin na suportado sila ng PCG.
Sa pamamagitan ng Automatic Identification System (AIS) signature, nakumpirma ang presensya ng CCG-5304 na pumalit sa CCG 5205 na siyang nang-harass sa BRP Malapascua at nanutok ng military grade laser light.
Sa kabila umano ng panghahamon ng China, ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu ang pagpapataas rin ng kanilang presensya at pagsasagawa ng Maritime Patrols (MARPAT) at MDA flights.
- Latest