2 sundalo sa Cessna rescue team sa Albay, todas sa ambush!
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang sundalo na kasama sa search and rescue team sa nawawalang Cessna plane sa Albay nang pagbabarilin ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) nitong Lunes ng umaga habang namimili.
Batay sa report na nakalap mula sa Southern Luzon Command, nakilala ang mga nasawi na sina Pvt. John Paul C. Adalim at Pvt. Mark June Esico na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sina Adalim at Esico ay kapwa kasapi ng 31st Infantry Battalion ng Army at kasama umano sa mga tauhan ng militar na nagsasagawa ng search and rescue operations sa bumagsak na Cessna plane.
Hinala naman ng mga awtoridad, miyembro ng CTG ang responsable sa naturang pananambang.
Ayon sa SOLCOM, namimili ng supply na mga pagkain ang dalawang sundalo sa palengke sa Barangay Cotmon, Camalig nang bigla na lamang pagbabarilin ng mga suspek.
Itinuturing ni Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) na isang desperadong hakbang ng CTG ang naturang pananambang.
Ani Bajao, desperado na ang mga teroristang grupo dahil sa walang humpay na operasyon ng Philippine Army sa kabundukan na nagpapahina sa kanilang grupo.
Dagdag pa ni Bajao, ito ang maituturing na paglabag sa karapatang pantao dahil nagseserbisyo ang mga sundalo at nagsasalba ng buhay subalit kinitil lamang ng mga duwag na grupo ng mga terorista.
Sinabi naman ni Army 9th Infantry Division Spokesman Capt. German Franco Roldan, pahina na nang pahina ang mga NPA at terorista sa lugar kaya sinamantala ang pagkakataon at tinambangan ang dalawang sundalo na nasa search and rescue mission.
- Latest