Higit 34 milyong SIM, rehistrado na
MANILA, Philippines — Mahigit sa 34 milyong SIM cards sa buong bansa ang rehistrado na sa kani-kanilang public telecommunications entities (PTEs).
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Lamentillo, hanggang nitong Pebrero 19, kabuuang 34,483,563 SIMs na ang nairehistro sa ilalim ng SIM Card Registration Act.
Ito aniya ay 20% ng kabuuang 168,977,773 SIMs sa buong bansa.
Sa naturang bilang, 17.7 milyon ang subscribers ng Smart; 14.172 milyon sa Globe at 2.61 milyon ang DITO telecom.
Muli namang nanawagan si Lamentillo sa publiko na magparehistro na upang hindi ma-deactivate ang kanilang ginagamit na SIM cards.
“Pagkatapos ng implementation period at hindi nai-register ang inyong SIM card, hindi ninyo na po magagamit ang inyong SIM,” aniya.
Ang pagrerehistro ng SIM cards ay sinimulan noong Disyembre 27, 2022.
Mayroon lamang 180 araw ang mga users o hanggang Abril 26, 2023 para magrehistro.
- Latest