MANILA, Philippines — Tinawag na fake news ni Congresswoman Drixie Mae Cardema ng Duterte Youth Partylist ang report na nakaupo na umano bilang kinatawan ng P3PWD Partylist si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Ayon kay Cardema, wala itong katotohanan at ito ay pinalutang lang umano ni Congressman Raoul Manuel ng Kabataan Partylist.
Sabi ni Cardema, klaro sa utos ng Korte Suprema noong June 29 sa Comelec, hindi pwedeng mag-assume si Guanzon dahil pending pa ang kaso nito.
Inakusahan din ni Cardema si Manuel ng pagsisinungaling sa sesyon nang sabihin nito na nag-assume na si Guanzon.
Paliwanag ni Cardema, noong Hulyo, nakasuhan pa si Guanzon ng indirect contempt sa Supreme Court dahil sa pagsasabi na isa na siyang Kongresista.
Matatandaan, makakaupo na sana ang P3PWD dahil nanalo ito at nanumpa bilang Kongresista ang first nominee na si Grace Yeneza.
Nagkagulo lamang ng biglang pinalitan ni Guanzon si Yeneza at apat pang reserbang nominees nito lampas isang buwan matapos ang eleksiyon.