Vice Mayor, 5 pa todas sa ambush!
MANILA, Philippines — Patay ang Vice Mayor ng Aparri, Cagayan at lima pang kasama nito nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na naka-uniporme ng PNP, ang kanilang sinasakyang van kahapon ng umaga sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Vice Mayor Rommel Alameda, 49, ng Aparri, Cagayan; Alexander Agustin Delos Angeles, 47; Alvin Dela Cruz Abel, 48; Abraham Dela Cruz Ramos Jr., 48, pawang mula sa Barangay Minanga, Aparri Cagayan; John Duane Banag Almeda, 46, ng Aparri at isa pang di nakuha ang pagkakakilanlan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na unang hinarangan ng 6 na mga suspek ang kahabaan ng national higway sa sitio Kinacao gamit ang barikada ng MV Duque Elementary School para mapahinto ang sasakyan ng mga biktima dakong alas-8:45 ng umaga.
Kasunod nito ay agad na pinaulanan ng mga suspek ng bala ang sinasakyan ni Alameda at mga kasamahan.
Kabilang si Alameda sa apat na idineklarang mga dead-on-the-spot habang ang dalawa ay namatay habang ginagamot sa Region 2 Trauma and Medical Center.
Ang mga suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis ay agad na tumakas sakay sa isang white Mitsubishi Adventure (SFN 713) batay na rin sa kuha ng CCTV at pahayag ng ilang nakasaksi.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa na sila ng manhunt operation matapos na tumakas ang mga suspek patungo sa Solana.
Iniimbestigahan din ang sasakyan ng mga suspek na isang government vehicle.
Si Alameda ay nasa kanyang ikatlong termino bilang bise alkalde ng Aparri.
- Latest