MANILA, Philippines — Dalawa ang patay habang 20 pa ang sugatan matapos ang karambola ng 15 sasakyan dahil sa mixer truck na nawalan ng preno sa national highway ng Brgy. Real sa Calamba City, Laguna noong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director, ang dalawang nasawi na sina Julia Ann Riñon alias “Jollie” at Princess Sarah Gabatino Abella, kapwa pasahero ng tricycle. Sila ay namatay habang dinadala sa ospital habang ang mga sugatan ay dinala sa iba’t ibang pagamutan para sa karampatang lunas kabilang ang apat na sinasabing nasa malubhang kalagayan kasama ang isang Princess Sarah Abella.
Sinabi naman ni Retired police Col. Boy Masongsong, head ng City Public Order and Satefy Office, ang mixer truck na minamaneho ni Denis Lozada Barientos ay bumabagtas patungong Calamba proper mula sa Batangas nang bigla umanong mawalan ng preno pagsapit nito sa Brgy, Real dakong alas-4 ng hapon kamakalawa.
Bunsod nito, nawalan umano ng kontrol ang naturang driver sa manibela at sumalpok ang minamanehong truck sa isang kotse at iba pang sasakyan na naging sanhi ng karambola.
Limang ambulansya ang mabilis na rumesponde at tumulong sa mga biktima habang inayos ng mga POSO personnel na unang dumating sa lugar ang trapiko na inabot ng dalawang oras.
Agad inaresto ang driver ng mixer truck na nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at multiple damage to properties.