MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na itigil ang tinawag nitong “dangerous” at “destabilizing” na hakbang sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni DFA spokesperson Teresita Daza, na naninindigan sila sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na nag-aakusa sa Chinese security vessel na gumamit ng military-grade laser laban sa mga Filipino patrol malapit sa Ayungin Shoal.
“We are calling on China to desist and restrain from this action kasi hindi lang ho ito damaging, dangerous... it is also destabilizing in terms of stability and peace in the region,” sinabi pa ni Daza.
Matatandaan na Pebrero 6 nang mangyari ang laser incident na naging dahilan para pansamantalang mabulag ang ilang PCG crew habang nagsasagawa ng “rotation at resupply mission” para sa mga marino na nakatalaga sa navy ship na nakadaong sa Ayungin shoal para igiit ang pag-aangkin ng Pilipinas sa naturang teritoryo.
Katwiran naman ni Chinese foreign ministry spokesman Wang Wenbin na ang chinese coast guard personnel ay nag ooperate ng may propesyunalismo at restraint.
Subalit giit ni Daza, bagama’t gusto nilang makipag ugnayan sa China, ang ugnayan ay dapat naaayon lang sa katotohanan at kabutihan.
Subalit ang nakikita umano nila ngayon ay ang kawalan ng pagkakatugma sa tunay na nangyari at sa kanilang sinasabi.
Dapat umanong magkaroon ng pagkakatugma para makasulong na ang relasyon ng dalawang bansa.