MANILA, Philippines — Walang dudang isa ng narco state ang Pilipinas kung hindi sa pinalakas na giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang binigyang diin ni 2nd District Surigao del Norte Rep. Robert Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na sinuportahan ang House Resolution ni House Senior Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kasama ang 18 pang mambabatas.
Sa House Resolution (HR) No. 780 na pinamagatang “A Resolution In Defense of former President Rodrigo Roa Duterte, ay hinihikayat nina Macapagal Arroyo ang Kamara na ipagtanggol si Digong sa imbestigasyon sa ‘crime against humanity’ ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong drug war ng nakalipas na administrasyon.“As Chairman of the House Committee on Dangerous Drugs during the whole Duterte administration, I have seen the gravity of the drug problem first hand. May position gave me privilege access to all information on the real situation. The war on drugs abated what could have been an irreversible disaster, that of our country becoming a narco state,” pahayag ni Barbers.
Sa halip, sinabi ni Barbers na maituturing na biyaya sa Pilipinas ang pagkakaluklok kay Digong bilang ika-16 Pangulo dahil naging maigting ang drug war at hindi maitatagong malaki ang nagawa nito para linisin ang bawat sulok ng bansa sa droga.
Aminado si Barbers na kamay na bakal ni Digong ang lumutas sa problema sa droga at nagbigay ng pag-asa para makahinga ng payapa ang lahat na lubhang kinakailangan.
Inihayag ni Barbers na bagaman may pagkakamali sa polisiya sa drug war ay ang mga nagpatupad ang nakagawa ng pang-aabuso at hindi ito dapat isisi sa dating pangulo.
Magugunita na sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon ay umaabot sa mahigit 6,000 ang nasawi matapos na umano’y manlaban sa mga awtoridad.
Samantala sa tala ng anti-crime watchdog ay umaabot ito sa halos 30,000 sa loob ng anim na taong termino ni Digong mula 2016.