Panunutok ng laser light, itinanggi ng China
MANILA, Philippines — Kinastigo ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paliwanag ng China na para sa “navigation safety” ang ginawang paggamit ng kanilang coast guard ng laser na itinutok sa barko ng PCG, na nasa resupply mission sa Ayungin Shoal nitong Pebrero 6.
Sinabi ni PCG adviser for maritime security Cmdr. Jay Tarriela na hindi katanggap-tanggap ang sinabi ni Chinese Ministry of Foreign Affairs spokesperson Wang Wenbin na hindi tinutukan ng barko ng CCG ng laser light ang barko ng PCG at tanging “hand-held equipment” lamang ang kanilang ginamit para sukatin ang distansya.
Iginiit ni Tarriela na may radar naman ang barko ng CCG at hindi makatotohanan na gagamit sila ng hand-held equipment.
“The mere fact that our crew reported that they experienced that temporary loss of vision... is something that is not a made-up story,” saad ni Tarriela.
Hindi umano tama na basta na lamang tanggapin ng Pilipinas ang dahilan na ito ng China at nakakabahala na gumagamit ang CCG ng laser na may intensidad na nakakasira ng paningin ng kanilang mga tripulante.
“We need to highlight the fact that the China Coast Guard ship did not direct lasers at the Philippine crew, and the hand-held equipment does not inflict damage on anything or anyone on the vessel,” paliwanag ng China.
Iginiit din ng China na teritoryo nila ang Ayungin shoal, o Ren’ai Reef, na parte umano ng kanilang Nansha Islands, na tinatawag naman ng Pilipinas na Spratly Islands.
“Why are we going to believe the narrative of China na we are the ones lying and making up stories na nabulag ang tropa natin... na kung pakikinggan mo ang first statement nila, they were actually claiming na tayo ang nag-intrude sa sarili nating waters?” dagdag pa ni Tarriela.
Nagpahayag naman ng pagsuporta sa Pilipinas ang United States, Japan, Canada, Australia, Denmark, Germany at United Kingdom laban sa mga mapanghamong galaw ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
- Latest