Masbate niyanig ng magnitude 6 na lindol
MANILA, Philippines — Niyanig ng magnitude 6.0 na lindol ang Batuan, Masbate kahapon ng alas-2:10 ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang lindol ay tectonic at may 10 kilometro ang lalim.
Bunsod nito naramdaman ang lakas ng lindol sa Intensity VII – Masbate City, Masbate; Intensity V sa Dimasalang, San Fernando, at Uson, Masbate; Intensity IV sa Legazpi City, Albay; Aroroy, Cataingan, Esperanza, Milagros, at Pio V. Corpuz, Masbate; Irosin, at Sorsogon City, Sorsogon at Intensity III sa Daraga, Albay.
Dahil sa lakas ng lindol ay ilang bahagi ng Magallanes Coliseum sa Masbate City ang nasira. Nagkaroon din ng bitak sa Masbate Provincial Hospital kaya naglatag ng mga tents sa labas ng pagamutan at doon pansamantalang inilagay ang nasa 200 na pasyente at mga bantay.
Ayon kay Jessar Adornado, operation officer ng Office of Civil Defense Regional Office 5, halos buong lalawigan umano maliban sa mga bayan ng Batuan at Uson ay nawalan ng kuryente. Nagtulong-tulong umano ang lahat ng mga kasapi ng PDRRMC ng Masbate para sa inspeksyon at assessment sa mga posibleng pinsala sa buong lalawigan.
Agad namang sinuspinde ni Mayor Socrates Tuazon, ang pasok sa klase sa lahat ng antas, pribado man o sa gobyerno at maging ang trabaho sa lokal na pamahalaan para bigyang daan ang rapid assessment sa mga gusali na posibleng naapektuhan ng lindol.
Kahapon ng umaga, mahigit 80 aftershocks ang naitala sa Batuan. — Angie dela Cruz
- Latest