MANILA, Philippines — Nakapili na ang Commission on Elections (Comelec) ng tatlong barangay na isasagawa ang pilot testing ng automated election para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Base sa pulong ng Commission en banc nitong Pebrero 15, napili ang barangays Poblacion at Paliparan III sa Dasmariñas City sa Cavite at ang Brgy. Pasong Tamo sa ikaanim na distrito ng Quezon City.
May kabuuang 227 clustered precincts, 84,100 rehistradong botante para sa barangay election at 27,817 rehistradong botante para sa SK election, ang tatlong barangay.
Sinabi ni John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, na mas mapapaaga ang pagsusumite ng COC (certificate of candidacies) sa naturang mga barangay para mas maagang maimprenta ang pangalan ng mga kandidato sa “machine-readable official ballots”.
Samantala, umabot na sa 22 milyon ang balota na naimprenta para sa BSKE. Nasa 16,027,280 ang naimprenta sa Barangay election at 5,958,931 para sa SK election.
Gamit pa rin ng Comelec ang lumang lay-out ng balota na para sa na-postpone at muling na-iskedyul na eleksyon nitong nakalipas na Disyembre 5, 2022.