MANILA, Philippines — Kagagawan umano ng tinaguriang ‘Sibuyas Queen’ kung bakit tumaas nang todo ang presyo ng ibinebentang sibuyas sa bansa.
Ito’y matapos ilantad ng isang magsasaka ng sibuyas ang modus ng tinaguriang “Mrs. Sibuyas” sa pagharap nito sa pagdinig sa Kongreso nitong Martes.
Isiniwalat ni Israel Reguyal, chairman ng Bonena Multipurpose Cooperative, sa mga mambabatas ng House Committee on Agriculture and Food, na bumibili ng bultu-bultong sibuyas ang isang Lilia Leah Cruz, na tinawag ng kanyang mga kritiko bilang “Mrs. Sibuyas.”
Sinabi ni Reguyal na nag-aangkat ng bultu-bultong sibuyas si Cruz para bigyang-katwiran ang pag-aangkat ng mga ani.
“Kapag panahon po ng bilihan sa storage ang gagawin po niya, bibilhin niya po ang lahat ng laman nung nasa storage.’Pag nabili na po ang lahat ng sibuyas ito na po ang Department of Agriculture, magpapalabas na ng import permit doon po kami patay, kaya nga po ito ‘yung napakabigat sa amin,” pahayag ni Reguyal.
Nang ipilit ng mga mambabatas si Reguyal na pangalanan kung sino ang maaaring kasabwat ni Cruz sa Bureau of Plant Industry, humingi siya ng closed door executive session sa mga mambabatas na pinagbigyan naman ng panel kung saan ipinagkaloob ito kay Cruz, na naroroon din sa pagdinig nitong Martes.
Una nang sinisi ni Reguyal si Cruz sa pagkawala nito ng humigit-kumulang P30 milyon para sa sibuyas noong 2012.
“Siya po ang lumugi sa akin ng napakalaki eh,” diin ni Reguyal.
Sinabi ni Reguyal na binayaran lamang ni Cruz ang 15,000 sa 80,000 sako ng sibuyas na kanyang nabili. Sinabi ni Reguyal na kailangan niyang ibenta ang real estate property para mabayaran ang mga magsasaka na nagdeposito ng kanilang ani ng sibuyas sa kanya.
Sinabi naman ni Sagip Party List Rep. Rodante Marcoleta sa kanyang bahagi na binayaran ni Cruz ang mga magsasaka ng mga talbog na tseke, na sinabi ni Cruz na naayos na.
“I invoke my right to remain silent,” tugon ni Cruz kasabay ng paggiit na may katibayan siya na naayos na ang mga tseke.
“Sorry po your honor, that time po kasi matagal na kaya ‘di ko po ma-recall ‘yung naging operation po that time pero settled na po ito,” idinahilan ni Cruz.
Inihayag ni Reguyal sa mga mambabatas na aabot sa P168 milyong halaga ng sibuyas ang nasira noong nakaraang taon lamang habang nakaimbak sa isang bodega sa Marilao, Bulacan. Nasira anya ang mga sibuyas dahil nabuo ang yelo habang nasa imbakan.
“Nag-file na po kami ng kaso sa kanila dahil po sa aming pagkakaalam ay dahil po sa kapabayaan nila, na-over, nasobrahan po sa lamig nagyelo po ‘yung sibuyas,” ayon kay Reguyal.
Sinabi ni Reguyal sa mga mambabatas na kailangan nilang itapon ang mga sibuyas dahil sa pagkasira, pero kailangan din nilang magbayad ng mga bayad sa pag-iimbak. Ang mga sibuyas ay nagmula sa mga magsasaka na nagdeposito ng kanilang mga sibuyas sa kanya.
Ipagpapatuloy ang pagdinig sa Kamara sa susunod na linggo.