^

Bansa

Grupo kinastigo Padilla sa pagdepensa sa 'physical bullying,' 'torture' sa bata

James Relativo - Philstar.com
Grupo kinastigo Padilla sa pagdepensa sa 'physical bullying,' 'torture' sa bata
Sen. Robinhood Padilla delivers a privilege speech during a plenary session on August 30, 2022, Tuesday.
Senate PRIB Photos / Senate PRIB

MANILA, Philippines — "Un-Robin Hood-like" kung ituring ng ilang progresibong kabataan ang pagdepensa ng isang senador sa pananakit at pagpapahirap sa ilang kabataan — bagay na palalalain lang daw ng mandatory military training sa eskwela.

Ito ang sinabi ng Kabataan party-list, Martes, kaugnay ng pahayag ni Sen. Robinhood Padilla nitong Lunes sa isang Senate hearing na "nakatutulong" sa paglaki ng bata ang pisikal na pambu-bully at torture.

"Regardless of severity, bullying and torture — both in physical or mental forms — are all forms of abuse of power and are not acceptable in our society," wika ni Kabataan party-list executive vice president Renee Louise Co sa isang pahayag.

"Mga taong walang konsepto o pagkilala sa dignidad at karapatang pantao ang may kaya lang magsabi na 'okay lang' ang mga ito."

Kabalintunaang binitiwan ni Padilla ang mga sumusunod na kataga sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kahapon habang tinatalakay nito ang anti-bullying programs ng gobyerno:

'Yun po sigurong physical bullying, para po sa akin ano, kayang i-handle yun. Ang hindi po kayang i-handle ay yung mental [bullying] kasi yun po ang mabigat para sa akin ngayon, yun po ang nararanasan ng mga kabataan, yung mental torture... Yung mental na bullying siguro po yun po ang dapat nating harapin at kung ano man po siguro, yung physical bullying kapag umabot siguro na gusto ka nang patayin... Yung physical torture—sorry po ah pero para sa akin, nakatulong pa sa akin para maging—hindi naman po sa usapin lamang na humarap sa buhay palagay ko mga 20%, 30% nakatulong pa 'yun.

Pilipinas: Numero uno sa bullying?

Kamakailan lang nang sabihin ni Sen. Sherwin Gatchalian na "numero uno" ang Pilipinas kumpara sa 70 iba pang mga bansa pagdating sa problema ng bullying.

Aniya, pito sa 10 estudyante sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ang nakaranas na nito sa kabila ng pagkakaroon ng Republic Act 10627 o Anti-Bullying Act of 2013.

Una nang sinabi ni Padilla, isang dating action star, na mas magandang pagtuunan ng pansin sa ngayon ang isyu ng "mental torture" sa mga kabataan kaysa sa pisikal na pang-aasar at pangungutya.

Hindi ito pinalampas ng mga netizens at siyang pinagpiyestahan ang kontrobersyal na pahayag ng senador.

RELATED: 'Salamat, Dok': DOH tikom sa ebas ni Galvez na ROTC gamot sa mental health problems

'Mandatory ROTC patitindihin bullying'

Bagama't matindi na raw ang problema ng bullying sa mga paaralan, sinasabi ng Kabataan party-list na palalalain lang ito ng posibleng pagbabalik ng mandatory Reserve Officers' Training Corps (ROTC), bagay na isinusulong din ni Padilla.

"Maraming biktima ng torture at bullying ang kailangang hingan ng paumanhin ni Senator Padilla. He would do well to learn from them as well," dagdag pa ni Co.

"Mas masahol ang anyo ng bullying na binibigyang daan ng batas tulad ng Mandatory ROTC na pinapalaganap ang kultura at siklo ng karahasan, bulag na pagsunod at kawalang pananagutan. Lantad na ito sa sari-saring karanasan ng mga dumaan sa power-tripping, hazing at iba pang abuso sa ROTC."

Marami nang kaso ng hazing ang naitala sa mga kolehiyo sa loob ng ROTC, bagay na siya ring nangyayari sa mga military schools gaya ng Philippine Military Academy.

Kilalang tagapagsulong din ng pagbabalik nito sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte-Carpio, na siya ring tumatayong Education secretary.

"Hinihimok namin si Sen. Padilla na magbago pa ng isip at tindig sa usapin ng bullying at Mandatory ROTC. Huwag natin gamitin ang boomer logic na dahil kinaya ng iba ay isasantabi na ang katotohanan na marami na ang naging biktima," saad pa ni Co.

"Kailangan nating matuto mula sa mga biktima. Our dear Senator should learn from his namesake: Robinhood didn’t tolerate bullying, he defended the defenseless. We hope the Senator would sincerely do the same."

BULLYING

ROBIN PADILLA

SCHOOL

TORTURE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with