P100 dagdag-sahod sa NCR, hinirit
MANILA, Philippines — Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magiging balanse sa pagitan ng mga manggagawa at mga employers sa hirit na dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR) kung sakaling mapagbibigyan ito.
Ito’y makaraan na maghain ng petisyon ang iba’t ibang labor groups para sa P100 dagdag-sahod kada araw.
Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na patuloy na nagsasagawa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng mga konsultasyon sa iba’t ibang stakeholders para madetermina kung mapagbibigyan ang petisyon ng grupo ng mga manggagawa.
Sa pagbababa ng desisyon, parehong ikokonsidera ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga manggagawa at maging ng mga employers.
Pangunahing ikinatwiran sa mga ipinasang petisyon ang mabilis na inflation at patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin na hindi na umano nakakayanan ng mga minimum wage earners ang gastusin sa pang-araw-araw.
Pero panawagan ni Laguesma, hindi lang isang factor ang kanilang tinitingnan dahil kailangang balansehin ang sitwasyon ng mga manggagawa at mga employers para naman hindi tuluyang magsara ang mga negosyo.
- Latest