Bong Go: Malasakit Center, malaking tagumpay

Ika-5 taon ipinagdiwang

MANILA, Philippines — Nakapagserbisyo na sa mahigit 7 milyong Filipino, ikinatuwa ni Senator Christopher “Bong” Go ang mala­king tagumpay ng programang Malasakit Center na nag­diriwang ngayon ng ikalimang anibersaryo.

Noong Biyernes, binisita ni Sen. Go ang Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City, kung saan itinatag ang kauna-unahang Malasakit Center sa bansa noong 2018.

Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Go na ang personal na pagsaksi sa pakikibaka ng mga Pilipinong may problema sa pananalapi upang makakuha lamang ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan ay nagtulak sa kanya na ituloy, sa abot ng kanyang kakayahan, ang mga hakbang na magpapalakas sa health sector sa bansa.

Bago pa man maging senador, sinimulan na ni Go ang Malasakit Centers program noong 2018 bilang Special Assistant ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang unang center ay binuksan sa VSMMC noong Pebrero 12 ng nasabing taon.

Naisip ng senador na gawing one-stop shop ang Malasakit Center kung saan ang mga ahensya, tulad ng DSWD, DOH, PhilHealth, at PCSO, ay pinagsama-sama sa iisang bubong upang ang mga programang tulong medikal ay maabot ng mahihirap na pasyente.

“Simula noong ako ay nagtatrabaho para kay (dating­ Davao City) Mayor (Rodrigo) Duterte noong 1998, nakita ko na ang daming humihingi sa kanya ng tulong kahit hindi sila taga-Davao. Kahit po mga taga-Cebu, humi­hingi rin ng tulong medikal kay (dating) Pangulong Duterte. Ubos ang oras nila sa kakahingi ng tulong sa iba’t ibang opisina,” sabi ni Go.

Kaya noong naging senador, matagumpay na itinulak ni Go ang institusyonalisasyon ng programa sa ilalim ng Republic Act No. 11463 na pangunahin niyang iniakda at pinirmahan ni dating Pangulong Duterte noong 2019.

Mula nang maitatag ang unang Malasakit Center, limang taon na ang nakararaan, mayroon na ito ngayong 154 sangay at nakatulong na sa mahigit pitong milyong Pilipino sa buong bansa. Ang mahigit 700,000 pasyenteng natulungan ay sa VSMMC.

“Nais kong pasalamatan ang ating medical frontliners na nandito po ngayon. Maraming salamat sa inyong patuloy na sakripisyo at pag-aalaga sa lahat ng pasyente dito sa VSMMC,” pahayag ni Go.

Show comments