MANILA, Philippines — Pansamantalang ipinagbabawal ng Department of Migrant Workers (DMW) ang deployment ng mga bagong aplikante para maging kasambahay o household service workers sa bansang Kuwait.
Sa pagdinig ng Senado, tinanong ni Sen. Raffy Tulfo ang DMW kung sang-ayon ba ang ahensiya na itigil na muna ang deployment ng mga Filipino domestic workers sa nasabing bansa.
Tugon dito ni DMW Usec. Maria Anthonette Velasco-Allones, sususpendihin na ang deployment ng mga first-time o mga bagong hires na OFWs na papuntang Kuwait.
Dagdag pa ni Velasco-Allones, iaalok naman sa mga new-hire na OFWs sa Kuwait ang alternative destinations na Singapore at Hong Kong.
Pahabol pa niya na ito ang polisiyang iniwan sa kanila ni DMW Sec. Susan ‘Toots’ Ople na ngayon ay kasama ni Pangulong Bongbong Marcos sa Japan para sa official working visit doon.
Nilinaw naman sa pagdinig na hindi apektado ng ‘deployment ban’ ang mga dating workers na sa Kuwait na nagre-renew lang ng kanilang kontrata at pabalik sa nasabing bansa.
Sa statement ni Ople, inihayag nito na deferred o ipinagpapaliban muna ang aplikasyon ng mga first-time migrant workers sa Kuwait partikular ang household services workers hanggang sa makapaglatag na ng mga reporma mula sa resulta ng gagawing bilateral talks ng dalawang bansa.