^

Bansa

'Salamat, Dok': DOH tikom sa ebas ni Galvez na ROTC gamot sa mental health problems

James Relativo - Philstar.com
'Salamat, Dok': DOH tikom sa ebas ni Galvez na ROTC gamot sa mental health problems
Students of Benguet State University in La Trinidad, Benguet observe health protocols as they attend their Reserve Officers' Training Corps training on September 30, 2022.
The STAR/Andy Zapata Jr.

MANILA, Philippines — Ayaw magkomento ng Department of Health (DOH) sa kontrobersyal na pahayag ni Department of National Defense officer-in-charge Carlito Galvez Jr. na "nagagamot" ng military training ang mental health problems.

Ganyan na ganyan ang sinabi ni Galvez sa isang pagdinig ng Senado nitong Lunes, kung saan ipinagtanggol niya ang panukalang maging mandatory uli ng Reserve Officers' Training Corps (ROTC).

"Unang-una, hindi naman po ako psychiatrist o eksperto for me to understand and be able to give that kind of response. Ang masasabi ko lang po, it's not going to be the same for every person," paliwanag ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire, Martes, sa isang media forum.

"Iba-iba po ang capacity ng isang tao to respond and become to become resilient on their own. At iba-iba rin po ang kinakailangan ng iba't ibang tao para po sila ay... maging mentally healthy. It's going to be the same for each person."

Una nang sinabi ng Department of Education na umabot sa 404 estudyante ang nasawi sa pagpapakamatay habang 2,147 naman ang nag-suicide attempt noong taong 2021. Maaaring mas mataas pa nga raw ang mga attempts na ito dahil ang iba ay hindi na-report.

Ang lahat nito ay napag-uusapan ngayong patuloy na itinutulak ng government officials ang pagbabalik ng sapilitang ROTC service sa mga estudyante, bagay na boluntaryo na lang matapos mapatay ang UST student na si Mark Welson Chua noong ibulgar niya ang ilang "katiwalian" sa loob nito noong 2001.

Ano ba kasing sinabi ni Galvez

Lunes lang nang maging kontrobersyal ang mga salitang binitiwan ni Galvez, bagay na pinagtaasan ng kilay ng maraming mental health advocates.

"Nakikita ko po 'yung ROTC program, limited military program [sa paaralan], experiential po ang training niya. 'Yan po ang pagkakaiba niya sa [National Service Training Program]," wika niya noong Lunes sa Senado.

"'Yung survival instincts, nandoon. So 'yung sinasabi natin, 'yung mental problem, it can be cured kasi 'yung frustration tolerance ng isang tao tataas."

Dagdag pa niya, maaaring kwestyonin daw ng mga estudyante kung bakit sila naghihimutok sa ilang bagay gayong may mga "mas malalang" pinagdaraanan ang ibang tao.

Matatandaang matagal nang hinaharangan ang mandatory ROTC program ng gobyerno sa gitna ng mga kontrobersiya nito sa mga nangyayaring "hazing" sa loob ng institusyon, bagay na nangyayari rin kahit sa loob ng Philippine Military Academy.

Doctors: 'Gamot? Baka lumala pa nga'

Una nang sinabi ng mental health advocate na si Dr. Gia Sison sa Rappler na maaari pa ngang maging "detrimental" sa mental health ng isang estudyante ang pagpwepwersa ng ROTC sa mga estudyante.

Ayon naman kay Dr. Dinah Nadera, isang psychiatrist, hindi nangangahulugang "healthy" agad porke pinataas lang sa isang tao ang tolerance sa frustration, bagay na isa sa mga pinunto ni Galvez.

Dagdag naman ni Dr. Joan Rifareal ng Philippine Psychiatric Association, hindi nangangahulugan agad na magagamot ng ROTC ang mental health problems. Maaari lang daw itong maging outlet ng mga estudyante para sa mga pinagdaraanan nila sa buhay.

"Hindi scientifically proven... Kailangan bago natin i-mandatory ROTC program, we should look back in history on why it failed in the first place," sabi naman ni Dr. Tony Leachon, isang health reform advocate at dating presidente ng Philippine College of Physicians, Lunes.

"Mental health, as a doctor, I've seen a lot. And increasing the workload, whether student or not, increases mental stress, anxiety, depression and even suicide. And I am speaking as a practitioner right now."

Paliwanag ng DND

Matapos mabatikos, muli namang nagsalita ang pamunuan ng DND bilang tugon sa mga pumuna sa mga nabanggit sa itaas.

"We have learned of the sensitivities raised by our mental health practitioners and advocates on what they believe is the improper use at the Senate hearing on Monday, February 6, of the word 'cure' for mental health issues," ani Galvez sa isang ulat ng state-owned Philippine News Agency.

"What we intended to convey during the hearing was that through our enhanced ROTC program, we would be able to build the strength of character and resilience of our trainees, qualities which positively foster mental health."

Dagdag pa niya, nakikita nilang mapalalago ng ROTC program ang personal growth at development ng mga indibidwal na siyang magbibigay kapasidad sa kanilang umambag sa isang "makatarungan, makatao at demokratikong lipunan."

Patuloy naman daw nakikipag-ugnayan ang DOH sa DepEd upang mapahusay ang mental health services sa mga eskwelahan, maliban pa sa pagkakaroon ng mental health hotlines na itinalaga sa iba't ibang lugar na maaaring ma-access ng mga eskwelahan.

Banggit pa ni Vergeire, nagkaroon na rin ang DOH ng pinal na pagpupulong patungkol sa mental health package na io-offer ng PhilHealth na maaaring magamit kahit ng mga estudyante. — may mga ulat mula sa News5

DEPARTMENT OF HEALTH

MENTAL HEALTH

RESERVE OFFICERS TRAINING COURSE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with