Abusadong traders, hoarders ng sibuyas at bawang binalaan
MANILA, Philippines — Nagbabala si House Speaker Martin Romualdez sa mga mapagsamantalang negosyante at hoarders ng sibuyas at bawang na umano’y nasa likod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga nasabing produkto.
Ayon kay Romualdez, matuturing ito na isang economic sabotage kaya dapat lamang na may makasuhan at mapanagot.
“Bilang na ang araw ninyo!..May mga impormasyon kami na tinatago nila ang mga sibuyas, at ngayon pati mga bawang na rin para kapusin ang suplay at tumaas ang presyo ng mga ito,” ani Romualdez.
Sinabi ni Romualdez, malaking kuwestiyon ang patuloy na mataas na presyo ng sibuyas sa mga palengke sa kabila ng pag-aani ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas at ang pagpasok ng import.
Kaugnay nito, aatasan ng lider ng Kongreso ang House Committee on Agriculture para simulan ang imbestigasyon at kung kinakailangan ay irekomenda ang pagsasampa ng karampatang kaso laban sa mga hoarder at mapagsamantalang traders.
Giit pa ni Romualdez, posibleng irekomenda nila sa Pangulong Ferdinand Marcos ang pag-aangkat ng sibuyas at bawang upang mapilitan ang mga negosyante na ilabas ang mga stocks at maibaba ang presyo na malaking ginhawa sa mga mamimili.
Gayunman pag-aaralan pa rin nila ang importation upang hindi makaapekto sa lokal na magsasaka. Kabilang na dito ang dami ng aangkatin at sa panahong walang ani ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas at bawang na hindi makakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Plano rin ni Romualdez na pabantayan ang presyo ng uri ng mga naturang gulay araw-araw.
Samantala, sinabi rin ni Romualdez na dapat din mapigilan ang smuggling ng sibuyas at iba pang katulad na produktong agrikutural sa bansa na pumapatay sa lokal na industriya.
- Latest