POPCOM naalarma
MANILA, Philippines — Naalarma ang Commission on Population and Development (POPCOM) dahil dumarami ang mga nabubuntis na nasa edad 10-14 anyos sa bansa.
Ito ang inihayag ni POPCOM Executive Director Lisa Grace Bersales sa kanyang pagharap sa House Committee on Youth and Sports Development na pinamumunuan ni Rep. Faustino Michael Carlos Dy.
Ayon kay Dy, sa kabila na bumaba ang teenage pregnancies mula15-19 anyos ay tumaas naman ang mga nabubuntis na 10-14 anyos.
Pumapangalawa umano ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may mataas na kaso ng adolescent birth rate na nasa 5.9% sa mga kabataang babae na edad 15-19 base na rin sa datos ng PopCom.
Nangunguna ang Laos na may 6.33 % ng adolescent pregnancies.
Dahil dito, hinikayat ni Bersales ang pamahalaan na umaksyon upang mabawasan ang pagbubuntis ng mga nagdadalaga o teenage group.
“Nababahala po kami dahilan nasa 10 to 14 – the much younger teenage girls ang nabubuntis na,” ayon sa opisyal.
Base sa data ng Civil Registry of Statistics ng Philippines Statistics Authority (PSA), sinabi ni Bersales na nasa 2,113 ang mga ipinanganak na sanggol sa nasabing age group noong 2020.
Sa data ng Department of Health (DOH), nasa 2,534 mga kabataang Pinay na 10-14 taong gulang ang nanganak noong 2020 habang 2,299 noong 2021.
Sa pahayag naman ni Jelie Barceta ng Department of Social Welfare and Development Social Technology Bureau na noong 2019 ay nasa 2,411 menor de edad na nasa 10-14 anyos ang nabuntis at nanganak.
Samantala, 133,000 menor de edad na ang nagkapamilya noong 2021 kabilang ang edad 10-19.
Kaugnay nito, nakalusot na sa House panel ang mga panukala na maging “accessible” ang family planning methods sa mga menor de edad na aktibo sa sex.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, dahil sa teen pregnancies ay tumataas din ang kaso ng maternal mortality.
Apektado rin ang eko-nomiya ng bansa dahil nasa P3.3B ang buwis na nawawala dala ng nawalang oportunidad sana sa mga kabataan.
Umaasa naman si Lagman na agad uusad ang pagsasabatas ng panukala para sa teenage pregnancies upang maisalba ang mga kabataan mula sa maternal death, unemployment, kahirapan at masiguro ang maayos na kinabukasan para sa mga ito.