4 bagong EDCA sites inaprub
MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na magtalaga ng apat pang bagong kampo ng US forces bilang depensa at proteksiyon sa pagkilos ng China sa West Philippine Sea bilang bahagi ng 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sa pagdalaw sa bansa ni US Defense Secretary Lloyd Austin, naglabas ng joint statement ang Pilipinas at US sa pagtatalaga ng apat pang bagong lugar na kinabibilangan ng Zambales, Cagayan, Isabela, at Palawan, na nakaharap sa China, Korean Peninsula at Taiwan.
May limang kampo na ng Amerikano sa bansa at ito ay magtatagpuan sa Cesar Basa Air Base Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Antonio Bautista Air Base sa Palawan.
Nabatid na magkaroon ng access sa kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Luzon ang US forces na gagamiting strategic position upang masiguro ang kapayapaan sa South China Sea at mapaghandaan ang napipintong pag-atake ng China sa Taiwan.
Kabilang sa expansion ang repositioning ng mga US military equipment at paglalayag ng mga barkong pandigma ng US sa West Philippine Sea.
Gagamitin din ang EDCA site upang maayudahan ang mga naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad at paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan.