MANILA, Philippines — Nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) at Bureau of Animal Industry (BAI) laban sa pagkain ng mga “frozen” na itlog na maaaring infected ng Salmonella at E. Coli bacteria.
Sa pahayag ng DOH, maaaring maging sanhi ng food poisoning ang pagkain ng “frozen eggs” dahil karaniwan na sa mga hilaw na pagkain nabubuhay ang mga nabanggit na bacteria.
Dapat umano na ugaliin ng publiko ang tamang paghawak at pagluto ng pagkain para makaiwas sa kontaminasyon.
Kasunod ito ng mga ulat na mas pinipili ngayon ng mga mamimili ang pagbili ng mga frozen eggs dahil sa mas mura ito ngayon.
Pero ayon pa sa DOH, maaari namang maging sanhi ito ng mga impeksyon na nagdudulot ng diarrhea, pananakit ng sikmura, lagnat, pagkahilo at pagsusuka.
Samantala, sinabi rin ni BAI spokesperson Arlene Vytiaco na base sa Philippine National Standards sa itlog, ipinapakita na ang basag na itlog ay hindi na ligtas para sa konsumpsyon ng tao.
Sa pagbili ng itlog, pinayuhan ng DOH ang publiko na tiyakin na malinis, walang basag, hindi tumatagas ang puti at walang masangsang na amoy ang itlog na bibilhin saka lutuing mabuti.