MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Valenzuela City First District Rep. Rex Gatchalian bilang bagong pinuno ng Department of Social Welfare and Development.
Ibinahagi sa social media ng Presidential Communications Office (PCO) ang isang video kung saan pinangunahan ni Marcos ang panunumpa ni Gatchalian.
“I just took my oath as head of DSWD. Mr. President, thank you for giving me the opportunity to be able to serve the country in a much greater capacity,” ibinahagi naman ni Gatchalian sa kanyang Twitter.
Pinalitan ni Gatchalian si Erwin Tulfo, na ilang beses na hindi nakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments.
Kabilang sa naging isyu kay Tulfo ang kanyang US citizenship.
Bago italaga si Gatchalian, pinamunuan ang DSWD ni Undersecretary for Special Projects Eduardo “Edu” Punay.
Itinalaga ni Marcos ang dating mamamahayag bilang officer-in-charge ng ahensya noong nakaraang buwan.
Samantala, pinuri ng Palasyo ang mga nagawa ni Gatchalian bilang isang local chief executive.
Binanggit din ng Malacañang ang pagkakasama ng Valenzuela sa Top 10 Outstanding Local Governance Programs sa Galing Pook noong 2021.