Public apology ng Kuwait government sa pamilya Ranara, hiningi
MANILA, Philippines — Dapat na mag-’public apology’ ang gobyerno ng Kuwait sa pamilya ni Jullebee Ranara, ang Pinay OFW na karumal-dumal na pinaslang ng anak ng amo ng kanyang employer sa Kuwait.
Sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na kabilang ito sa mga kondisyong isinusulong niya kasabay ng panawagan niyang ‘total deployment ban’ sa mga first-timers OFW sa Kuwait.
Nais ni Tulfo na mag ‘public apology’ muna ang pamahalaang Kuwait sa ginawa ng isa sa kanilang mamamayan na pagpaslang kay Ranara upang sa gayon ay mapukaw sa isipan ng mga residente doon na seryoso na ang problema dahil mismong ang gobyerno na nila ang humihingi ng paumanhin sa nangyaring krimen.
Pangalawa sa mga kondisyong hinihingi ng senador ay ang pagkakaroon ng pre-screening, assessment at evaluation sa mga employers kasama ang mga kapamilya na nasa iisang household.
Ikatlo ang pagkakaroon ng pre-engagement orientation seminar para sa two-way na pagkilala kung saan inaalam din dapat ng mga employers ang kultura at kaugalian ng mga Pilipino hindi iyong mga OFWs lang ang nag-aaral tungkol sa mga magiging amo nila sa nasabing bansa.
Pang-apat ay dapat magsagawa ng mga bilateral talks at bubuo ng association ng mga employers at association ng mga OFWs kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan regular na mag-uusap tungkol sa mga umiiral na problema sa mga OFWs at maglalatag ng mga solusyon sa nasabing suliranin.
Panahon na rin umano para pag-isipan ang unti-unting paglilipat sa mga OFWs mula sa Kuwait papuntang Guam o sa iba pang lugar tulad ng Hong Kong at Singapore na umano’y ay may mataas na respeto at mas maayos ang pagtrato sa ating mga overseas workers.
- Latest