Labi ni Ranara, isinailalim sa NBI autopsy

Ang labi ng OFW na si Jullebee Ranara nang dumating sa PAIR-PAGS Center sa Pasay City mula sa Kuwait nitong Biyernes ng gabi.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Isinasailalim na sa awtopsiya ng mga forensic expert ng National Bureau of Investigation (NBI) ang labi ng OFW na si Jullebee Ranara, na pinaslang at sinunog sa Kuwait ng kaniyang tinedyer na amo.

Makaraang duma­ting sa bansa ang labi ni Ranara, agad na nagtu­ngo ang NBI forensic team sa punerarya sa Bacoor, Cavite na pinagdalhan sa bangkay.

Layon ng awtopsiya na masuri ang tinamong panloob at panlabas na pinsala sa katawan ng Pilipina para matukoy ang mga sirkumstansya na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Inaasahan naman na matatapos ang “histopathology at general toxico­logy examinations” sa mga sampol na tisyu sa loob ng dalawang linggo.

Nabatid na duma­ting sa bansa ang labi ni Ranara nitong Biyernes ng gabi at mismong ang pamilya niya ang humi­ling sa NBI na isailalim sa awtopsiya ang bangkay.

Natagpuan sa isang disyerto sa Kuwait ang labi ni Ranara na sinunog. Itinuturo ang 17-taong gulang na lalaking amo ng biktima na siyang suspek sa pagpaslang at sinasabing panggagahasa sa OFW.

Show comments