MANILA, Philippines — Tahasang itinanggi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinoproteksyunan niya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, binuweltahan ni Remulla ang ICC na siyang dapat magbigay sa kanila ng ebidensya na makakatulong sa isinasagawang imbestigasyon ng DOJ sa mga naganap na pagpatay kaugnay ng “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
Muli niyang iginiit na may sariling korte ang Pilipinas na gumagalaw kaya hindi kailangan ang pag-usig ng ICC. Responsibilidad umano ng DOJ ang loob ng bansa kaya sila ang may karapatan sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Una nang sinabi ni Remulla na hindi “welcome” ang muling pagbubukas ng ICC sa imbestigasyon at nakakairita lamang ito. Hindi rin umano niya papayagan ang anumang galaw na kukuwestiyon sa soberenya ng Pilipinas.
Sa muling pagbubukas ng ICC sa imbestigasyon, sinabi nito na hindi sila kuntento sa isinagawang imbestigasyon ng Pilipinas sa “war on drugs” at hindi ito sasapat para ihinto ang imbestigasyon nila.
Samantala, sinabi ni Remulla na may posibilidad na pag-usapan niya at ni Vice President Sara Duterte ang ICC probe, lalo na at nagkikita sila bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos.