Miyembro ng General Court Martial vs Durante binubuo na - Army
MANILA, Philippines — Inihayag ni Philippine Army Commander Lt. Gen. Romeo Brawner, Jr. na naghahanap na sila ng mga magiging miyembro ng General Court Martial na mag-iimbestiga kay dating 1001st Infantry Brigade chief Gen. Jesus Durante matapos na iturong utak sa pagpatay sa modelo at entreprenuer na si Yvonnette Chua Plaza.
Ayon kay Brawner, naglabas na siya ng order upang maghanap na magiging miyembro ng GCM habang isinasagawa ang pre trial investigation.
Si Durante at Col. Michale Licyayo ay nakaharap sa kasong murder at obstruction of Justice.
“Naghahanap muna kami ng mga members who will constitute the GCM. Nagpe-prepare lang kami pero may pre trial investigation pa”, ani Brawner.
Ani Brawner, si Durante, Licyayo at iba pang enlisted personel ay sumasailalim ngayon sa pre trial.
Sinabi ni Brawner na natanggap na niya ang report mula sa 10 ID at Board of Inquiry at ito ang kanyang ibibigay sa Judge Advocate General upang pag-aralan ang rekomendasyon.
Inaasahan niyang maisusumite ngayong Linggo ng JAG at provost marshall ang rekomendasyon.
Bukod kina Durante at Licyayo kinasuhan din sina Staff Sergeants Gilbert Plaza at Delfin Llarenas Sialsa Jr.; Corporal Adrian N. Cachero; Privates First Class Rolly Cabal at Romart Longakit; sibilyan na si Noel H. Japitan, isang “Junior,” at isang “Master Sergeant” ng kasong kriminal sa korte.
Binaril si Plaza ng malapitan sa harap ng kanyang bahay at selos ang sinasabing motibo ng pagpatay na mariin namang itinanggi ni Durante.
- Latest