MANILA, Philippines — Hiniling ni Senador Bong Go na alisin na ng mga private higher education institution ang college entrance fee sa mahihirap subalit matatalinong mga estudyante.
Ang kahilingan ay ginawa ni Go sa inihaing Senate Bill No. 1708 o ‘Free College Entrance Examinations Act of 2023’ kung saan nakasaad na ang mga estudyante na nasa academic top ten ng graduating class ay dapat libre na sa college entrance fee.
“Let us help widen the opportunities of our underprivileged youth especially the best and the brightest,” dagdag pa ni Go.
Paliwanag ng Senador, ang edukasyon ang tanging puhunan natin sa mundong ito at susi rin sa mas maginhawang kinabukasan kaya dapat bigyan ng oportunidad at insentibo ang mga kabataan na mag-aral ng mabuti para mailayo sa masasamang bisyo at bilang kapalit na rin sa paghihirap ng kanilang mga magulang na pag-aralin sila.
Iginiit pa ni Go na nakasaad sa konstitusyon na dapat protektahan at isulong ng pamahalaan ang karapatan ng lahat ng mga citizen sa kalidad na edukasyon sa lahat ng antas at gumawa na kaukulang hakbang para maging accessible ang edukasyon sa lahat.
Subalit sa mga nagdaang panahon, ay nagmamahal na ang kalidad ng edukasyon kahit na nasa application stage pa lang kaya nahihirapan ang mga kapus-palad na estudyante na makapasok sa kolehiyo dahil sa kakapusan sa pinansiyal.
Nakasaad naman sa panukala, na ang estudyante ay dapat kabilang sa pamilya na maliit lang ang kinikita kada buwan.