Libreng libing sa mahihirap na Pinoy, itinulak ni Tulfo
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo ang pagkakaloob ng libreng ‘funeral services’ para sa mga pinakamahihirap na pamilya sa buong bansa.
Sa Senate Bill 1695 na inihain ni Tulfo, layon nitong isabatas ang umiiral na burial assistance sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama sa benepisyong ito ang paghahanda sa funeral documents, embalsamo, viewing o burol, paglilibing o cremation.
Habang mga accredited na punerarya o morge naman ay oobligahing magbigay ng kabaong o urn.
Saklaw ng libreng burol at libing ang mga pamilya na may pinagsamang kita na hindi hihigit sa P15,000 kada buwan at walang pagmamay-aring bahay o sasakyan.
Para mapakinabangan ang libreng serbisyo, kailangan lamang magsumite ng pamilya ng ‘certificate of indigency’ mula sa barangay o sa local social welfare office, death certificate, at funeral contract sa pagitan ng pamilyang benepisyaryo, accredited mortuary at authorized DSWD personnel.
Tinukoy sa panukala na karaniwang umaabot ng P10,000 pataas ang funeral at burial services at ang mga mahihirap na pamilya na namatayan ng mahal sa buhay ay hindi lamang nagluluksa kundi karaniwang baon din sa utang.
- Latest