MANILA, Philippines — Nasa 34% ng Pilipino ang nagsabing mas gumanda ang estado ng kanilang pamumuhay noong Disyembre 2022 kumpara noong isang taon bago 'yon, ito sa kabila ng nagtataasang presyo ng bilihin at pagdami ng nagugutom na pamilya.
Ito ang napag-alaman ng Social Weather Stations sa ikinasa nilang survey, ika-10 hanggang ika-14 ng Disyembre kung saan lumabas na nasa 39% ng mga Pinoy nagsabing napanatili nila ang kaledad ng kanilang buhay kumpara sa 26% na sinabing lumala ang kanilang pamumuhay.
Related Stories
Nagresulta tuloy ito sa kabuuang 8+ ang Net Gainers score (porsyento ng gumanda buhay - porsyento ng lumala ang buhay). Kinaklasipika itong "high" ng SWS.
"The December 2022 Net Gainer score was up from the fair levels of net zero in October 2022 and -2 in June 2022 and April 2022," wika ng SWS sa isang pahayag, Miyerkules.
"However, it is still 10 points below the pre-pandemic level of very high +18 in December 2019."
Naitatala ito sa kabila ng 8.1% inflation rate noong Disyembre, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin. Kasabay rin ito ng bahagyang pagdami ng pamilyang Pinoy na "mahirap" ang tingin sa sarili sa 51%.
'Very high' sa lahat ng lugar, mataas pinag-aralan
"The 8-point rise in the national Net Gainer score between October 2022 and December 2022 was due to increases in all areas, especially in Mindanao," paliwanag pa ng SWS.
Narito ang Net Gainer score ng mga sumusunod na lugar:
- Metro Manila: +18, very high
- Balance Luzon: +10, very high
- Visayas: -4, fair
- Mindanao: +10, very high
Malaki ang itinaas nito sa Mindanao kung saan tumalon ito ng 21 puntos, habang humakbang naman ito ng tig-siyam puntos sa Metro Manila at Visayas. Mas maliit naman ang inabante nito sa Balance Luzon sa dalawang puntos.
"Compared to October 2022, Net Gainers fell from excellent to very high among college graduates, down by 2 points from +20 to +18," sabi pa ng SWS.
"However, it rose from high to very high among junior high school graduates, up by 8 points from +5 to +13."
Pagdating sa mga elementary graduates, umakyat ito mula mediocre patungong fair sa pag-angat nito ng 12 puntos mula sa -12, dahilan para makuha ang zero.
Nanatili naman itong "fair" para sa mga non-elementary graduates, ngunit lumobo ng anim na puntos mula -8 patungong -2.
Gaya ng inaasahan, mas marami ang net gainers mula sa mga pamilyang hindi nagugutom, borderline at hindi mahirap kumpara sa mga nagugutom at mahihirap.
Ang fourth quarter 2022 SWS survey ay isinagawa gamit ang harapang panayam sa 1,200 adults: tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Hindi ito kinomisyon ninuman at bahagi ng inisyatiba at serbisyo publiko ng grupo.