2 piloto ng PAF, patay sa plane crash sa Bataan
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang aircraft sa Pilar, Bataan kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Captain Jhon Paulo Aviso at Captain Ian Gerru Pasinos.
Ayon kay Bataan PNP Provincial Director Police Col. Romell Velasco, lulan ang mga piloto ng Marchetti SF260 na may tail number 29-01 nang bumagsak dakong alas-10:40 ng umaga.
Sinabi ni Velasco na nakita ng mga residente sa lugar ang mabilis na pagbulusok ng aircraft sa kabukiran ng Sitio Tabon sa Barangay Del Rosario.
Kaagad namang nagtungo sa crash site ang mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station at ang 2nd Police Mobile Force Company kung saan nakita nila ang dalawang piloto na nakalupaypay ang katawan sa cockpit ng eroplano.
Dinala na ang labi ng mga ito sa Martinez Funeral Homes sa Pilar, Bataan.
Napag-alaman naman kay PAF spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, sakay ng eroplano ang dalawang piloto na nagsasagawa ng training flight.
Galing ang trainer aircraft sa Sangley Point, Cavite at magpapalibut-libot sa lugar hanggang sa mawala ito sa monitor ng SPYDER (Surface-to-Air Python and Derby Medium Range) ng PAF dakong alas-10:34 ng umaga.
Lampas isang dekada nang nasa inventory ng PAF ang eroplano, ayon kay Castillo.
- Latest