MANILA, Philippines — Pinaplantsa ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na magsagawa ng ‘pilot testing’ ng mall voting para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na nabanggit na niya ang panukala sa mga mall owners at naging napakaganda umano ng pagtanggap nila sa naturang ideya lalo na at nauna na silang binigyan ng mga espasyo para sa Register Anywhere Project (RAP).
“Baka pupuwede, itong darating na barangay and SK elections magpilot muna tayo, mag-sample tayo ng ilang malls, kahit dito sa Metro Manila, upang makuha natin, kaya ba talaga, pwede ba natin talaga dalhin ang ating mga kababayan sa malls, doon sila boboto,” saad ni Garcia.
Bukod dito, malaki umano ang espasyo sa mga malls at mas makakatiyak na may sapat na seguridad ito.
Para mapatupad ito, sinabi ni Garcia na tanging mga residente ng barangay na nakakasakop sa malls ang papayagang makaboto dito, bilang pagsunod na rin sa Omnibus Election Code.
Hindi naman gagastos ng malaki ang Comelec para rito at posibleng makatipid pa nga kung ibibigay ng mga malls ng libre ang espasyo para sa halalan kung ang kapalit nito ay mas mataas na foot traffic o mas maraming parokyano sa loob ng kanilang malls.
Mas praktikal pa umano ito dahil sa ilan sa mga Pilipino na matapos na bumoto sa mga paaralan ay nagtutungo rin sa mga malls para magpalamig. Mas magiging komportable umano ang eleksyon kung gaganapin ito sa mga shopping malls.