QC idaraos ika-3 'commitment ceremony' ng LGBTQIA+ couples sa Pebrero
MANILA, Philippines — Wala pa mang same-sex marriage sa Pilipinas, nakatakda nang ilunsad ng Quezon City local government ang ikatlo nitong "commitment ceremony" para sa mga bakla, lesbyana, bisexual, transgender atbp. kasabay ng Buwan ng mga Puso.
Ito ang ibinahagi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isang paskil sa Twitter patungkol sa "LGBTQIA+ Commitment Ceremony 2023" na may temang "Love is Pride. Pride is Love."
"Love has no limits. Love is universal. Love wins, always," sabi ng alkalde kahapon sa Twitter.
"Quezon City is a gender-fair city where LGBT community is treated with respect and equality. This love month, the Office of the Mayor and QC Gender and Development (GAD) Council will be sponsoring a commitment ceremony of LGBT couples."
Love has no limits. Love is universal. Love wins, always. ??????
— Mayor Joy Belmonte (@QCMayorJoy) January 24, 2023
Sa ikalawang pagkakataon, mag-o-organisa ang lokal na pamahalaan ng QC, sa pangunguna ni Mayor Joy, ng isang commitment ceremony para sa ating mga kapatid na kabilang sa LGBTQIA+ sa darating sa February 2023. pic.twitter.com/tmI8vq3rE4
Matatandaang 222 LGBTQIA+ couples ang dumalo sa parehong event noong ika-22 ng Pebrero, 2022 upang magpalitan ng vows sa hangaring palakasin ang kanilang pagsasama at pagkilala sa kanilang karapatan.
Una itong isinagawa sa QC noon pang 2020.
Love wins! ?????????????????????? pic.twitter.com/kuahiNeMDH
— Mayor Joy Belmonte (@QCMayorJoy) February 12, 2022
Sa ikalawang commitment ceremony ng QC (ang una ay noong 2020), sinabi ni Mayor Joy na ang pinaka-layunin ng seremonya ay mas mapagtibay pa ang pagmamahalan ng mga mag-partner. pic.twitter.com/4Po1bX5xkb
— Quezon City Government (@QCGov) February 12, 2022
Ang mga mayor, gaya ng mga pari at hukom, ay may kapangyarihang magkasal ng mga magsing-irog. Sa kabila nito, tanging mga lalaki at babae lamang ang kinikilala ng batas bilang "ligal" na mag-asawa sa ilalim ng Family Code.
Bagama't ceremonial pa lang sa ngayon at hindi pa legally binding, una nang sinaluduhan ng ilang miyembro ng LGBT community ang inisyatibang ito ng QC local government unit, sa pag-asang mabibigyan din ng karapatan at benepisyo ng civil wedding ang mga LGBT couples sa hinaharap.
Sa mga magkarelasyong nais sumama, maaaring magsumite ng mga sumusunod na rekisitos sa QC GAD Council Office o sa [email protected]:
- Barangay Certificate of Residence
- accomplished registration form
- litrato ng mga aplikante
- QC ID
"Para sa registration form, maaaring magtungo sa action office/mini city hall," pagpapatuloy pa ni Belmonte.
Para sa listahan ng mga action office sa bawat distrito ng Lungsod ng Quezon, maaaring i-click ang link na ito. — James Relativo
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet ng Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay inilathala batay sa editorial guidelines.
- Latest