Pagtaas ng presyo ng itlog, pinasisilip sa DA
MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Agriculture na silipin kung bakit tumataas ang presyo ng itlog.
Ang direktiba ay ibinigay ng Pangulo kay DA Undersecretary Domingo Panganiban sa ipinatawag na pulong sa Malacañang nitong Martes.
Nais ni Marcos na makipagpulong si Panganiban sa mga prodyuser at negosyante ng itlog para alamin kung bakit tumaas ang presyo ng mga itlog ng manok nitong mga nakaraang linggo sa kabila ng sapat na suplay sa merkado.
Humingi rin ng paliwanag ang Pangulo kung bakit tumaas ang presyo ng itlog nitong mga nakaraang araw, na tumutukoy sa lumalawak na agwat sa pagitan ng farm gate at retail prices.
“We determined that the increase in the price of eggs is not commensurate to the increase in production cost,” ani Marcos.
Batay sa price watch ng DA noong Enero 13, ang mga medium-sized na itlog ay nagtitingi sa P9 bawat isa, kumpara sa P6.90 noong Disyembre 2022.
Sinabi ng DA na ang mga itlog ay dapat lamang nasa pagitan ng P7 hanggang P7.50 kada piraso dahil sa presyo nito sa farm gate pero ito ay ibinebenta ng kasing taas ng P9.60 kada piraso.
- Latest