Panukalang batas sa environmental protection sa West Philippine Sea, umusad na sa Kamara
MANILA, Philippines — Sa gitna na rin ng nararanasang ‘harassment ‘ ng mga Pilipinong mangingisda sa Chinese Coast Guard at militias, umusad na sa Kamara ang panukalang batas sa mga ahensya ng pamahalaan para protektahan ang kapaligiran ng pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ang House Bill (HB) 6373 ay inihain ni 3rd District Palawan Rep. Edward Hagedorn ay naglalayong ideklara ang low-tide elevations at high –tide features at layong 3 nawtikal na milya sa Kalayaan Island Group (KIG) at Scarborough Shoal bilang Marine Protected Area.
Si Hagedorn ay nakipagpulong sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources-Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND) hinggil dito.
“I thank the DENR, DILG, DND, and all the other experts who have engaged me in discussion and have shown genuine interest in protecting our environment”, ani Hagedorn na sinabing positibo ang resulta ng kaniyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng nasabing mga ahensiya.
Inihayag ng solon na makikipagtalastasan siyang muli sa nasabing mga ahensya ng pamahalaan para ipagpatuloy ang diskusyon kung paano mapapalakas pa ang nasabing panukalang batas na tatalakayin na sa darating na Enero 25.
Samantalang pinasalamatan rin ni Hagedorn si House Speaker Martin Romualdez sa pagpaprayoridad sa pagdinig ng HB 6373. Tinukoy sa nasabing panukalang batas ang Republic Act No. 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 at maging ang Arbitral Ruling upang ideklara ang nasabing lugar bilang Marine Protected Area.
- Latest