MANILA, Philippines — Dumating na sa bansa ang mga puti at pulang sibuyas na inangkat mula sa China.
Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban, 16 container ng puting sibuyas at 32 container ng pulang sibuyas ang dumating.
Bagama’t nasa Pinas na, sumasailalim pa umano ang mga ito sa second border inspection bago ibenta.
Ang second border inspection umano ay requirement upang masigurong walang nahahalong sibuyas sa ibang agricultural product.
Dahil sa pagdating ng imported onions ay dadami na ang suplay ng sibuyas sa mga pamilihan at magiging daan ito sa pagbaba ng presyo sa merkado.
Sinasabi ng Department of Agriculture (DA) kamakailan na sa pagdagsa ng imported onions ay posibleng abutin na lamang ng P80 ang kada kilo ng sibuyas.
Habang hindi pa nakakarating sa mga palengke at iba pang pamilihan ang imported onions ay mataas pa rin ang presyo ng sibuyas sa mga palengke.
Kahapon, pumapalo pa sa P300 ang kada kilo ng sibuyas samantalang ang lasona onions o maliliit na sibuyas ay naibebenta ng P200 kada kilo sa mga palengke.