Presyo ng sibuyas babagsak na sa P50/kilo
MANILA, Philippines — Asahan na ang ginhawa ng mga konsyumer dahil sa inaasahang pagbagsak ng presyo ng sibuyas sa P50 bawat kilo, pagtataya ni House Committee on Ways and Means Chairman at 2nd District Albay Rep. Joey Salceda.
Kasabay nito, pabirong sinabi pa ni Salceda na ipapuputol niya ang kaniyang limang daliri kapag hindi bumaba sa P50 kada kilo ang presyo ng sibuyas.
Ang presyo ng sibuyas ay nagsimulang tumaas nitong Kapaskuhan, mula sa P450 bawat kilo ay naging P550 noong Pasko at bago mag-Bagong Taon ay sumirit sa P750-P800 kada kilo.
Itinuturo ang kartel o sabwatan ng mga gahamang negosyante at ilang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan sa pagsirit ng presyo ng sibuyas matapos na mabistong nasa P8-P15 lamang pala ang farm gate price nito.
Sa kasalukuyan, naglalaro pa rin sa P450, P500 hanggang P600 ang presyo ng sibuyas, na ayon kay Salceda ay asahan na ang pagbaba muli ng presyo sa P50 kada kilo.
Inaasahan namang darating na sa bansa sa Enero 27 ang mga imported na sibuyas na inangkat ng Pilipinas sa ibang bansa habang ang pag-aani ng mga lokal na magsasaka ay matatapos na rin sa susunod na buwan kaya babaha na ang sibuyas sa mga pamilihan.
- Latest