Ex-chief of staff ni Enrile, pinalaya na
MANILA, Philippines — Matapos ang siyam na taong pagkakakulong, pinalaya sa Taguig City Jail ang dating chief of staff ni dating senador at ngayo’y Chief of Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na si Gigi Reyes.
Ito’y matapos pagbigyan ng Supreme Court (SC) ang kanyang petition for “habeas corpus”.
Sa pahayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nakalaya si Reyes dakong alas-6:30 ng gabi nitong Huwebes.
Sa petisyon ni Reyes, iginiit niya na nalabag na ang karapatan niya sa mabilis na paglilitis sa kasong plunder dahil sa pagkakapako ng kaniyang kaso sa loob ng siyam na taon o pagkakulong mula Hulyo 9, 2014.
Ikinatwiran niya na ang katulad niyang nakulong na sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Sen. Ramon Revilla Jr., dating senador Enrile, at Sen. Jinggoy Estrada ay nakulong ng mas mababang araw kumpara sa kaniya ngunit nabigyan ng pagkakataon na mapawalang-sala o mapalaya sa pamamagitan ng piyansa.
Nagsampa rin si Reyes ng ilang mga petisyon sa korte para mapalaya siya dahil sa iba’t ibang grounds, ngunit hindi napagbigyan. Dito siya nagdesisyon na maghain ng “ancient but well-established remedy of Habeas Corpus Act of 1679”.
Pinagbigyan ng SC First Division ang petisyon na ito ni Reyes ngunit nilinaw na ang pagkakakulong kay Reyes ay naaayon sa court order ng Sandiganbayan, na umano’y naging opresibo na sa karapatan sa kalayaan ni Reyes.
Nilinaw rin ng SC na ang pagbibigay nila ng habeas corpus ay hindi nangangahulugan ng pagiging inosente o guilty ni Reyes.
Kasama si Reyes at negosyanteng si Janet Lim-Napoles bilang mga co-accused sa plunder at graft cases ni Enrile kaugnay ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel”.
Inakusahan si Reyes na tumanggap sa ngalan ni Enrile ng P172.83 milyong halaga ng kickbacks kapalit ng alokasyon ng senador ng kaniyang PDAF sa mga pekeng non-government organizations na pag-aari ni Napoles.
- Latest