Marcos Jr.: OFWs, bentahe ng Pinas para makakuha ng investment sa Middle East

President Ferdinand Marcos Jr. speaks in this undated photo.
Office of the Press Secretary

MANILA, Philippines — Malaking bentahe umano ng Pilipinas ang mga overseas Filipino workers para makakuha ng pamumuhunan mula sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa  World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland sa tanong sa kanya kung paano mahihikayat ang mga bansa sa Middle East na mamuhunan sa Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, malakas ang relasyon ng Pilipinas sa gitnang silangan dahil sa maganda ang pundasyon natin dito sa usapin ng mga manggagawang Filipino sa kanilang mga bansa.

Katunayan umano kung may pag-uusap sila sa mga lider sa Middle East palaging nagsisimula ang talakayan sa OFWs. Bahagi rin umano ng pakikipag-usap ng bansa sa Arab nations ang kalakalan lalo na sa usapin ng langis dahil bahagi sila ng organization of petroleum exporting country (OPEC).

Tugon pa ng Pangulo, na anumang pangunahing pamumuhunan ay welcome ngayon sa Pilipinas sa gitna ng pagsusumikap ng bansa na makabawas at makaahon din sa mga pagkakautang nito.

Iginiit pa ni Marcos na kailangan na mabawi ng Southeast Asia ang posisyon nito bago pa mag-pandemya o ang mabilis na paglago ng ekonomiya ng mga nasa rehiyon.

Kailangan lamang umano ng tamang diskarte ng mga lider tulad niya kung paano magpapatupad ng mga programa na makakatulong para mapanatiling masigla ang bawat ekonomiya dahil binago naman talaga ng COVID-19 pandemic ang buong mundo.

Show comments