MANILA, Philippines — Kinundena ng sari-saring grupo ang pagbasura ng Department of Justice sa reklamong murder laban sa 17 pulis na idinidiin sa serye ng pagpatay sa mga aktibista sa Calabarzon noong 2021.
Martes ng gabi nang isapubliko ng DOJ ang resolusyon nito tungkol sa reklamong murder kaugnay ng pagkamatay ng labor leader na si Manny Asuncion na damay sa ikinasang raid dalawang taon na ang nakalilipas dahil sa "kakulangan ng ebidensya."
Related Stories
"Walang hustisya. Matapos ang isang taon, ibinasura ng DOJ ang kaso laban sa mga pulis na sangkot sa Bloody Sunday massacre at pagpatay kay Manny Asuncion," wika ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan kagabi.
"Napakasahol... Sa tingin nyo ano ang epekto nito? May biktima pa bang magtitiwala sa DoJ? At tingin nyo ba titigil ang mga pulis at militar sa pagpatay kung walang nananagot?"
Magtatandaang taong 2021 nang irekomenda ang pagsasampa ng "murder" sa naturang law enforcement agents na sangkot sa pagkamatay ni Asuncion, isa sa siyam na aktibistang napatay sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.
Una nang iginiit ng Calabarzon police na "nahulihan" ang mga nabanggit ng baril at pampasabog habang hinahainan ng search warrants ang mga aktibista. Nanlaban din daw ang mga nabanggit kung kaya't napatay. Sa kabila nito, idinidiin ng mga grupo na "unarmed" ang mga napaslang.
"Nakipagdayalogo pa nga kami kay SoJ Meynard Guevarra noong 2021 at nagpasalamat sya na nagtiwala kami sa DoJ at sa TF AO35 para imbestigahan ang pagpatay," dagdag ni Reyes.
"Nagbuo sila ng mga imbestgador mula sa mga prosecutors, nag-cooperate ang mga testigo at naisampa ang kaso sa piskal para sa preliminary investigation. Pero sa panahon ni SoJ [Boying] Remulla binasura."
Namatay sina Asuncion, isang lider manggagawa at tagapagsalita ng BAYAN-Cavite, ilang araw matapos utusan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pulis at militar na patayin ang mga rebelde "nang hindi iniisip ang karapatang pantao."
'Poor justice system'
Umaasa ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) na makatutulong ang International Labor Organization-High-LevelTripartite Mission (ILO-HLTM) para mabigyan ng katarungan sina Ka Manny atbp. biktima ng extrajudicial killings.
Inilabas kasi ang desisyon ng DOJ ilang araw lang bago ikasa ng ILO ang imbestigasyon nito pagdating sa pagpatay sa mga unyonista atbp. paglabag sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa.
"Ka Manny's case is a clear manifestation of how poor the justice system is in the PH, as perpetrators run free and rights defenders continue to be attacked," wika sa CTUHR.
"We call on all peace-loving Filipinos to join us in expressing our indignation over this injustice and continue to fight until the perpetrators are held accountable."