MANILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo na amyendahan ang Holiday economic law para mapalakas ang domestic tourism ng bansa at maisulong ang work-life balance ng mga empleyado at mga estudyante.
Sa Senate Bill 1651 ni Tulfo, pinaamyendahan nito ang Republic Act no. 9492 kung saan naglalayong ilipat sa araw ng Lunes ang lahat ng holidays na papatak ng araw ng Sabado at Linggo.
Naging batas ang holidays economic noong panahon ni dating pangulong Gloria Arroyo at doon inumpisahan ang paglilipat ng regular at special holidays sa pinakamalapit na araw ng lunes kapag pumatak sa weekend para mapalakas ang domestic tourism.
Nakansela ang nasabing practice noong panahon ni dating pangulong Noynoy Aquino na nagpalabas ng proclamation no. 82 na nagtakda na gunitain ang holiday kung saan mismong anong petsa ito pumatak.
Ayon kay Tulfo, mayroong 18 national holidays na ginugunita ang bansa kada taon at apat dito ay kinokonsiderang special non working holiday.
Sa ilalim ng panukala ng Senador tuwing unang Lunes ng Disyembre ng kada taon ay maglalabas ng proklamasyon ang pangulo sa mga petsa na idedeklara na non-working holiday para sa susunod na taon.
Naniniwala si Tulfo na ang dagdag na long weekends ay malaking tulong para makabawas sa nararamdamang stress at burnout gayundin ang pagsusulong ng ‘work life balance’. para sa mga manggagawa at mga estudyante.