MANILA, Philippines — Maaari nang makapag-aral ng libre ang mga nagnanais na maging abogado.
Ito ay sa sandaling maging ganap na batas ang Senat bill 1639 ni Senate Majority leader Joel Villanueva na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7662 o ang ‘ Legal Education Reform Act of 1993’ para itatag ang ‘Legal Scholarship and Return Service Program (LSRS).
Sinabi ni Villanueva na lubos na kailangan ngayon ng mas maraming public defenders sa ating bansa dahil mayroon lamang 2,500 abogado ang Public Attorneys Office (PAO) at bawat isa umano sa mga ito ay humahawak ng 5,300 kaso bawat taon.
Base sa isang pag-aaral noong 2016, mayroon lamang isang abogado kada 2,500 Pilipino. Mas mataas ito kumpara sa Estados Unidos na may 1 abogado sa kada 248 na residente, habang sa Italy ay 1 abogado kada 260 residente at sa Germany ay 1 abogado sa kada 560 residente.
Sinabi pa ni Villanueva na ang programa ay magiging katulad ng Doktor Para sa Bayan Act na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11509, na siyang naging principal author at sponsor noong nakaraang Kongreso.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng libreng tuition fee at iba pang bayarin sa eskwelahan, allowance para sa mga libro, clothing at uniform allowance, allowance para sa dormitoryo o boarding house, transportation allowance, Bar review fees kasama na rito ang Bar Examination application fees, annual medical insurance at iba pang bayarin dito.
Nakasaad naman sa panukala na dapat magbigay ng “return service” o isang taong serbisyo sa kada taong nakinabang sa libreng pag-aaral ng abogasya ang scholar sa pamamagitan ng pro bono legal services ng PAO o sa iba pang ahensya ng gobyerno na nangangailangan ng mga abogado. Bibigyan sila ng naaangkop na civil service rank, suweldo at mga benepisyo.